MANILA, Philippines — Dalawang lalaki ang inaresto ng mga otoridad dahil sa pagbebenta ng overpriced na instant noodles sa isang police operation sa Las Piñas City, kamakalawa.
Sa ulat, alas-7:30 ng gabi nang masabat ng mga tauhan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group ang nasa P 4.3 milyong halaga ng mga instant noodles sa dalawang suspek na sina Laurence Jimenez at Arwin Palacio sa isinagawang operasyon sa isang warehouse sa tapat ng isang mall sa Alabang-Zapote Road ng nasabing lungsod.
Nabatid na nagbebenta ang dalawang suspek ng mga instant noodles sa online ng P9.50 bawat isa na mataas sa suggested retail price (SRP).
Nasamsam sa mga suspek ang 2,100 boxes ng Lucky Me Chicken Noodles (72 x 55 gms); 2,940 boxes ng Lucky Me Beef Noodles (72 x 55 gms); 1,364 boxes ng Lucky Me Beef Noodles (Spicy) (72 x 55 gms); marked money at boodle money.
Ang mga nasamsan na mga instant noodle ay nagkakahalaga P4,380,336.00 na overpriced sa total market value na P3,573,432.00 itinatakda ng SRP ng DTI.