Sa isang ahensiya ng gobyerno Deputy Commissioner tumanggap ng suhol

MANILA, Philippines — Ibinunyag kahapon ni ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran  ang garapalang pagtanggap ng suhol ng isang opisyal ng isang kawanihan ng gobyerno sa kabila ng pagi­ging abala ng bansa sa pagtugon sa krisis sa coronavirus 2019.

Gayunman, tumanggi muna si Taduran na tukuyin ang pagkakakilanlan sa nasabing opis­yal ng gobyerno na nais nitong imbestigahan.

Sinabi ni Taduran, Assistant House Majo­rity Leader, na ang nasabing tiwaling opisyal ay isang Deputy  Commissioner ng isang kawanihan ng pamahalaan na tumanggap umano ng suhol kapalit ng pabor mula sa kaniyang tanggapan.

“I am not inclined to reveal his identity at the moment but let this serve as a stern warning to him that his actions will not be tolerated and I will see to it that his corrupt practices will be dealt with seriously,” babala ni Taduran.

Ayon kay Taduran, kasalukuyang kinakalap na ang mga karagdagang ebidensiyang may kinalaman sa ulat ng pagtanggap ng suhol ng naturang opisyal at tiniyak nito na agad siyang maghaharap ng House Resolution para ipatawag ang tiwaling opisyal sa isang pagdinig sa Kamara kaugnay ng diumano ay korapsyon na isinasagawa ng opisyal na ito para masampahan ng kaukulang kaso.

“Hindi ko maintindihan kung bakit sa gitna ng kinakaharap na krisis ng bansa ay may nakakagawa pa ng ganitong krimen? Wala ba siyang konsensya?” tanong  ni Taduran.

Show comments