6 todas sa sunog sa Tondo
MANILA, Philippines — Anim na katao ang nasawi kabilang ang isang magkapatid na menor de edad nang sumiklab ang sunog sa Barangay 89 Zone 8 District 1, Tondo, Maynila kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Nathalie Nicole Sorbito, 17; kapatid nitong si Shane Bernadette Sorbito, 16; Elizabeth Mendoza, 48; Janet Rosales, 49; Eugenio Pacia, 48; at Remedios Pacia, 70.
Batay sa ulat ni Manila Bureau of Fire Protection District fire marshall Fire Sr. Supt. Geranndie Agoos, alas-6:37 ng umaga nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ni Alfredo Estabillo sa 1888 Tioco kanto ng Tapuri St., sa naturang barangay sa Tondo.
Dahil gawa sa light materials ang bahay kaya kumalat ito kaagad sa mga katabing kabahayan na umabot sa unang alarma bago maapula ang sunog bandang alas-7:52 ng umaga.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad pero, ayon kay Agoos, maaaring elektrikal o naiwang apoy ang dahilan ng sunog.
“Bagamat tayo ay nasa gitna ng pandemic, hindi po maiiwasan na sa loob ng tahanan tayo ay gagamit ng electrically-charged appliances, gagamit ng apoy o open flame,” aniya.
Tinatayang 20 bahay ang nasunog at P150,000 ang pinsala nito.
Ito na ang ikatlong sunog na naitala sa lungsod simula nang ipatupad ang enhanced community quarantine sa rehiyon.
Nauna nang nasunog ang isang residential building sa Delpan area sa Binondo at Happy Land sa Tondo.
- Latest