MANILA, Philippines — Hiniling ng Department of Education (DepEd) sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na mabigyan din ng tulong ang mga guro sa mga pribadong paaralan.
Sinabi ni DepEd Spokesperson Usec. Annalyn Sevilla, umapela na si Secretary Leonor Briones para mabilang ang mga private schools sa mga industriyang naapektuhan ng krisis sa coronavirus at mabigyan ng cash aid ang mga guro sa ilalim ng social amelioration program (SAP).
Ayon naman kay Briones, idudulog niya sa Kongreso ang problema ng private school teachers upang mabigyan ng ayuda ang mga ito sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.
Una nang inihayag ng Coordinating Council of Private Educational Associations (Cocopea) na umaabot sa 500,000 private school employees ang kumikita ng mas mababa sa regular nilang suweldo o hindi na sumasahod sa ilalim ng “no work, no pay” scheme.
Nasuspinde ang klase sa mga paaralan mula noong Marso matapos isailalim sa lockdown ang iba’t ibang bahagi ng bansa upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.