MANILA, Philippines — “Iparating sa gobyerno kung wala pa kayong natatanggap na tulong.”
Ito ang ginawang panghihikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mamamayan na wala pang nakukuhang ayuda para iparating ang reklamo sa mga istasyon ng radyo, mga barangay captains at mga mayors.
“So iyon ang gusto kong masabi sa inyo. And iyong hindi pa nakatanggap, let us know by a radio or what. Magreklamo kayo ng mga radio stations ninyo riyan or doon sa mayors ninyo, barangay captain then the mayors. Iyan ang ating---configuration ng gobyerno natin,” anang Pangulo.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa gitna na rin ng lumalabas na reklamo sa social media ng mga mamamayang walang nakukuhang tulong sa gobyerno partikular sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi ng Pangulo na dapat lamang maiparating sa kinauukulang opisyal ng gobyerno ang reklamo hanggang sa makarating sa Malacañang na dapat ay walang maiiwan at mabibigyan ang lahat.