27 pang bilanggo sa Correctional nagpositibo sa COVID-19 - BuCor

Sa pahayag ng BuCor, 51 inmates ng CIW ang nagpasuri sa deadly virus noong Abril 21, ngunit 27 dito ang nakitaan ng positibong resulta.
STAR/Ernie Peñaredondo, file

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Bureau of Corrections (BuCor) na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang 27 pang bilanggo mula sa Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City.

Sa pahayag ng BuCor, 51 inmates ng CIW ang nagpasuri sa deadly virus noong Abril 21, ngunit 27 dito ang nakitaan ng positibong resulta.

Agad namang inilipat ang nasabing mga inmates mula sa Mandaluyong patungo sa Site Harry, na siyang COVID-19 quarantine area sa loob ng New Bilibid Prison sa siyudad ng Muntinlupa.

Nitong Abril 18 nang dapuan ng virus ang isang matandang inmate ng CIW, na dinala na sa Santa Ana Hospital sa Maynila.

Tatlong araw ang lumipas nang magpositibo rin sa sakit ang 18 inmates at isang empleyado ng women’s prison, na agad na dinala sa Site Harry. Nito namang Biyernes nang dalawa pang bilanggo sa CIW ang nahawaan na rin ng deadly virus.

Show comments