MANILA, Philippines — Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang 38-anyos na factory worker matapos siyang mabaril ng pulis dahil sa pag-amok niya nang malipasan ng gutom sa Carmona, Cavite kamakalawa.
Ang nasawi ay kinilalang si Efren Mituda, residente ng 9300 JM Loyola St., Brgy. Maduya, Carmona. Nasugatan nang kanyang tagain ang mga kapitbahay niyang sina Ralph Albas, 23, factory worker, Jose Sta Marina, 49, security guard; Larry Napitri, 31, factory worker; at Dexter Delos Santos, salesman.
Sa ulat ni PSSgt Ritchie Ines ng Carmona Municipal Police Station, dakong alas-4:40 ng Martes ng umaga nang nakatanggap sila ng tawag mula sa mga residente tungkol sa pagwawala umano ng suspek sa kanilang compound.
Nang respondehan ng pulisya ay naabutan ng mga ito na inaawat pa si Mituda ng kaniyang live-in partner na si Wendy Suvillaga, 32, na sugatan din sa insidente habang duguan ang mga kapitbahay nito na nahalihaw nito ng taga.
Nakipagnegosasyon ang mga pulis sa suspek na payapang sumuko, subalit lalo itong nagalit at sinugod ang mga pulis kaya napilitan na itong paputukan.
Ayon sa pulisya, bago naganap ang paghuhurementado ng suspek ay dalawang araw na umano itong hindi kumakain na hinihinalang dahilan ng kanyang pagkaburyong bagama’t hindi naman nabatid kung ano ang naging problema ng suspek.