MANILA, Philippines — Isinailalim sa COVID-19 Rapid Testing ang 27 Overseas Filipino Workers (OFWs) na umuwi sa lalawigan ng Cagayan kamakalawa ng umaga at isasailalim din sa 14-day quarantine.
Ang mga OFW ay kinabibilangan ng 18 kababaihan at 9 na mga Seafarers na sinundo ng transport services ng OWWA sa Maynila at magkakasabay na inuwi sa nasabing lalawigan.
Bago ipinasakamay sa iba’t ibang mga LGU na susundo sa kanila para iuwi sa kani-kanilang mga bayan ay dineretso muna ng OWWA ang mga OFW sa kapitolyo ng Cagayan para sumailalim sa disinfect at anti-body rapid testing bilang pagtugon sa mga protocols na inilatag ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Di-seases (EID) sa lalawigan.
Una nang naglabas ng kautusan si Gobernador Manuel Mamba na walang papapasukin sa Cagayan maging ang mga residente rito na galing sa ibang lugar upang maibsan ang epekto ng COVID-19 lalo na at wala nang COVID-19 patient sa lalawigan.