MANILA, Philippines — Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga crematorium na huwag magtaas ng kanilang singil at panatilihin ang singil na ipinatutupad nila bago pa magkaroon ng enhanced community quarantine (ECQ).
“Ito namang may-ari ng crematorium, may I ask you to maintain yung presyo ng cremation before quarantine. Ibig sabihin, yung presyo na wala pa tayong problema, yun ang ibigay ninyo. Nakikiusap ako,” ayon sa pangulo.
Una rito, sinabi ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na inaatasan ang mga LGU na magtalaga ng funeral service facilities para sa mga pumanaw na COVID-19 patients.
Ito ay dahil sa mga ulat na may mga pamilyang nahihirapang makakuha ng serbisyo kapag ang mahal nila sa buhay ay nasawi sa COVID-19.
Ayon sa IATF, ang punerarya na tatanggi ay maaaring maparusahan.