MANILA, Philippines — Nakauwi na sa Pilipinas nitong Sabado ng gabi ang mahigit sa 200 Pinoy seafarers na nanggaling pa sa Middle East na bumaba sa Ninoy Aquino International Airports (NAIA) sakay ng Emirates Airlines Flight EK 334.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nasa kabuuang 208 seafarers mula sa MS Norwegian Jade sa United Arab Emirates ang dumating sa bansa pasado alas-9:00 ng gabi.
Kaagad sumailalim sa mandatory inspection, briefing at assessment mula sa Bureau of Quarantine (BOQ), Department of Health (DOH) at Bureau of Internal Health Cooperation (BIHC) ang mga seafarers na isasailalim sa 14-day home quarantine.
Ang Philippine Embassy sa Abu Dhabi ang nag-facilitate ng repatriation sa pakikipag-ugnayan sa Norwegian Cruize Lines (NCL) at sa local manning agency na CF Sharp.
Umaabot na sa 11,613 Pilipino ang napauwi mula sa ibayong dagat buhat nang i-repatriate ang mga manggagawang Pinoy sa Wuhan City sa China na pinagmulan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Una nang iniulat ng DFA na pumalo na sa 651 Pinoy sa ibang bansa ang nagpositibo sa COVID-19 habang may 188 recoveries at 84 fatalities.