DTI sinuspinde ang pagbabayad ng renta ng mga negosyante

MANILA, Philippines — Isang kautusan ang ipinalabas ng Department of Trade and Industry (DTI) na nagbibigay ng 30-araw na “grace period” sa pagbabayad ng renta  ng mga negosyante sa inookupahan nilang “commercial space” at maging sa mga inuupahang bahay o apartment.

Batay sa inilabas na Memorandum Circular No. 20-12, ipatutupad ang “30-day grace period” sa “commercial at residential rent” ngayong panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) at nakasaad rin na hindi dapat mapatawan ng multa, interes at iba pang dagdag na bayarin ang mga nangungupahan.

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, ang kautusan ay base rin sa ipinasang Republic Act (RA) No. 11469 o ang “Bayanihan to Heal as One Act” para matulungan ang mga maliliit at medium size na negosyo na makabangon dahil sa pagtigil ng operasyon ngayong may ECQ.

Mag-uumpisa ang grace period sa huling due date ng pagbabayad ng renta. Ang kabuuang halaga ng renta habang may ECQ ay kailangan umanong hati-hatiin sa anim na buwan para mabayaran ng umuupa matapos na matanggal ang lockdown.

Show comments