MANILA, Philippines — Nilagdaan na ni Pa-ngulong Rodrigo Duterte ang Administrative Order No. 28 na magiging daan para sa pagbibigay ng “special risk allowance” (SRA) sa mga frontline public health workers habang ipinapatupad ang enhanced community quarantine dahil sa COVID-19.
Nakasaad sa kautusan na ang lahat ng mga national government agencies, local government units at mga government owned or controlled corporation ay magkakaroon ng kapangyarihan na makapaglabas ng one-time COVID-19 special risk allowance.
Ang nasabing allowance ay katumbas ng 25-porsyento ng basic pay ng mga frontline public health workers.
Nakasaad din sa AO na dapat kilalanin ang kabayanihan at walang katumbas na kontribusyon ng mga public health workers sa buong bansa na buong tapang na inilalagay sa panganib ang kanilang buhay at kalusugan makatugon lamang ang public health emergency ng bansa.
Sa Section 4(d) ng Bayanihan to Heal as One Act o Republic Act 11469, pinapahintulutan ang Pa-ngulo na maglaan ng special risk allowance sa lahat ng mga health workers bukod pa sa natatanggap nilang hazard pay sa ilalim ng RA 7305 o Magna Carta of Public Health Workers. Ang allowance ay pro-rated at ibabase sa bilang ng araw na pinasok buhat nang ipatupad ang ECQ.