MANILA, Philippines — Target ng Department of Health (DOH) na iakyat ang kapabilidad ng kanilang mga laboratoryo na makapagsagawa ng 8,000 hanggang 10,000 coronavirus testing kada araw sa katapusan ng kasalukuyang buwan.
Sinabi ni Health Usec. Ma. Rosario Vergeire na nasa 3,000 muna kada araw ang kanilang magagawa na testing simula sa Abril 14 dahil sa ekspansyon ng kanilang testing protocols ngunit inaasahan na tataaas ito mula 8,000 hanggang 10,000 sa pagtatapos ng buwan at ang uunahin ay iyong mas mga nangangailangan na masuri.
Mula nitong Enero ay may kakayahan lamang ang DOH na makapag-test ng 300 samples at umakyat na ngayon sa 900-1,200 kada araw dahil sa pagbubukas ng mas maraming testing laboratories at ang pagdating ng mga kinakailangang testing kits.
Makaraan ang halos isang buwan, naaprubahan na rin ng Food and Drugs Administration (FDA) ang mga testing kits na nilikha ng University of the Philippines-National Institute of Health na higit na mas mura sa mga imported kits.
Handa na umano itong gamitin para mas lalong mapataas ang kapabilidad sa pagsusuri ng DOH laboratories.