PNP bibigyan ng seguridad ang mga medical frontliners
MANILA, Philippines — Inihayag ni Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles, tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na para hindi na maulit ang insidente ng pag-atake sa nurse sa Cebu at Sultan Kudarat kung saan sinabuyan sila ng mga residente ng chlorine at bleach ay bibigyan na ng assistance at security ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng health workers na lumalaban sa COVID-19.
Hindi aniya kailanman katanggap-tanggap na atakihin ang mga health workers sa gitna ng nararanasang krisis.
Batid aniya ng pamahalaan na dahil suspendido ang mass transport systems, hirap ang mga frontliners na makarating sa ospital. Kaya naman, naghanda aniya ang pamahalaan ng kanilang mga sasakyan.
“Mayroong 16 daily bus routes around Metro Manila and its suburbs to shuttle health workers to and from their duty stations. Aside from these, the DPWH has deployed 402 vehicles nationwide to serve as transportation services for our frontliners and health workers,” ayon kay Nograles.
Maging ang PNP aniya ay mayroon na ring inisyatibo para matulungan ang mga health workers.
Samantala, hiniling ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman na ikalaboso ang mga nangha-harass at nanakit ng mga frontline health workers.
Anya, kung hindi dahil sa dedikasyon at tapang ng mga tinaguriang anti-coronavirus warriors ay malamang na mas malala pa ang epidemya ng virus sa bansa kung saan ay nasa 17 doktor na ang nagbuwis ng buhay. Maging ang kani-kanilang pamilya lalo na ang mga anak ay nakararanas ng pambu-bully sa kanilang mga kapitbahay at pinalalayas sa mga inuupahan.
Sinabi ni Lagman na may katapat itong kaparusahan sa batas sa ilalim ng Articles 283, 286 at 287 ng Revised Penal Code.
- Latest