Bigas na may amag at bukbok na rasyon sa mga residente sa ECQ, inireklamo

Matinding sermon ang inabot ng kapitan ng nasabing barangay kasama ang mga opisyales nang makaharap nila si Roque dahil sa hindi makaing bigas na ipinamahagi.

Pandi, Bulacan mayor nagpaliwanag

MANILA, Philippines — Ipinatawag at pinagpaliwang ni Pandi, Bulacan Mayor Rico Roque ang mga opisyales ng Barangay Mapulang Lupa makaraang makarating sa kanyang kaalaman na hindi makain, dahil may amag, bukbok at may kulisap ang bigas na kanilang ipinamimigay sa mga residente sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ).

Matinding sermon ang inabot ng kapitan ng nasabing barangay kasama ang mga opisyales nang makaharap nila si Roque dahil sa hindi makaing bigas na ipinamahagi.

Masusing pinaimbestigahan ni Mayor Rico ang pangyayari at lumitaw dito na galing sa mismong Brgy. Mapulang Lupa sa pamumuno ni Kapitan Owell Leandro ang mga relief goods na kasama ang bigas na halos hindi makain.

Ayon sa nag-repack ng relief goods na tauhan ng Brgy. Mapulang Lupa na si Elydia Libre, napansin na niya umano na ganun yung klase ng bigas na ipamimigay sa mga residente ngunit hinayaan niya lang ito at hindi na sinabi sa mga kagawad.

Nagalit ang alkalde matapos na sabihin ni Libre sa isang TV interview na hindi galing sa Brgy. Mapulang Lupa ang hindi makaing bigas at itinuro nito ang tanggapan ng alkalde na pinanggalingan ng nasabing bigas na may bukbok.

“Ako, galit ‘yung na­ramdaman ko. Dahil unang-una sabi ko, ano ang pakiramdam ng mga tao sa ganitong pagkakataon. Nasa krisis tayo, world-crisis, tapos ito pa ‘yung ipaparamdam mo sa tao, diba? Lahat naman nangangailangan eh,” ani Mayor Roque.

Humingi naman ng paumanhin si Mapulang Lupa Brgy. Captain Owell Leandro sa mga residente na nakatanggap ng hindi makaing bigas at nangako ito na kanila itong papalitan.

Show comments