MANILA, Philippines — Nasa 22 POGO (Philippine Overseas Gaming Operator) workers at kanilang dalawang police escorts na nagmula pa sa Metro Manila ang pinigilang makapasok sa Cagayan matapos maharang sa COVID-19 checkpoint ng mga awtoridad sa bayan ng Sta. Ana ng nasabing lalawigan kamakalawa.
Ayon kay Cagayan Police Director Colonel Ariel Quilang, tanging si Benedict Wong, 35-anyos, manager ng Eastern Hawaii Casino na matatagpuan sa CEZA Complex sa naturang bayan ang pinapasok sa bayan kasunod ng pagpapasya ng Inter-Agency Task Force (IATF) on COVID-19 sa lalawigan.
Nabatid na kinontra ng mga miyembro ng task force ang pasya ni Mayor Nelson Robinion na papasukin ang naturang grupo.
Ayon kay Quilang, iniatas ng IATF kay Wong na isang Chinese national na sumailalim muna sa 14 araw na quarantine upang masegurong hindi siya banta sa kalusugan ng mga taga-Sta. Ana.
Unang pinigilan ng mga awtoridad ang grupo ng mga POGO workers na nakasakay sa dalawang van at dalawang delivery trucks.
Ang grupo ay nakalusot sa mga checkpoints papasok ng Cagayan mula Maynila dahil may escort na sina P/Senior Master Sergeants Harold Corpuz at Clifford Ventura ng Police Security and Protection Group (PSPG) sa PNP-Camp Crame.
Ang grupo ay pinigilan sa checkpoint ng Brgy. Casambalangan dakong alas-6:00 ng umaga at kalaunan ay pinabalik sa kanilang pinanggalingan sa Metro Manila.