MANILA, Philippines — Hinihiling ng Malakanyang sa Kongreso na magdeklara ng national emergency at pagkalooban si Pangulong Rodrigo Duterte ng special power para matugunan ang krisis na idinulot ng novel coronavirus 2019 (COVID-19).
Sa isang sulat kay Senate President Vicente Sotto III na may petsang Marso 21, 2020, sinertipikahan ni Duterte ang pangangailangan sa isang panukalang batas na magpapahintulot sa pamahalaan na kumpiskahin pansamantala ang mga pribadong utilidad at negosyo para masolusyunan ang mga epekto ng COVID-19.
Inaasahang ang panukalang-batas ay tatalakayin sa special session ng Kongreso ngayong Lunes na ipinatawag ng Pangulo.
Sa panukalang-batas, pinahihintulutan ang Pangulo na pansamantalang kunin o idirihe ang operasyon ng mga pribadong public utility o mga negosyong kabilang pero hindi limitado sa mga hotel, public transportation, at telecommunication entities.
Ang mga hotel ay gagamiting tirahan ng mga health worker o magsisilbing quarantine center o medical relief and aid distribution centers habang ang mga pampublikong sasakyan ay maghahatid sa mga health, emergency at frontline personnel.
Kukunin naman ng pamahalaan ang mga telecommunication entities para sa uninterrupted communication channels ng pamahalaan at ng publiko.
Mananatili sa mga may-ari ng mga negosyo ang pangangasiwa sa mga ito pero ang operasyon ay susubaybayan ng Pangulo o ng kanyang kinatawan.
Bibigyan din ang Pangulo ng kapangyarihan na bumili ng mga testing kits, umupa ng properties at magpagawa ng mga temporary medical facilities nang hindi na dadaan sa rules on procurement.