MANILA, Philippines — Dapat bigyan ng “cash transfer” na ayuda ang 20% na pinakamahihirap na indibiduwal sa Luzon na naiipit sa “enhanced community quarantine” dahil sa COVID-19.
Ito ang ipinanukala ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee at kasama dito sa panukala niya ang “Pantawid Family Quarantine Program,” ang pagbibigay ng “13th month cash grant,” para sa mga benepisiyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at isang taong “advance” para naman sa mga pamilyang nasa ilalim ng “Unconditional Cash Transfers (UCT) program” sa panahon ng pinaiiral na quarantine.
Pahayag ng mambabatas na isa sa mga unang nagpanukala ng lockdown laban sa COVID-19-- “Ang pinakamahihirap na 20% ng populasiyon ay hindi tatagal sa ilalim ng enhanced community quarantine kung walang ayuda ng pamahalaan dahil karamihan sa kanila ay walang matatag na hanapbuhay kaya magugutom kung hindi malayang makakakilos.”
Sinabi ni Salceda na “ang pagpapanatili sa mga mahihirap sa kanilang tahanan ay mangangailangan ng tulong ng gobyerno para mabuhay ng marangal, kaya kailangang bigyan sila ng mga insentibo upang mapasunod nang maayos, dahil ang mga walang kaya ay kailangan ng ayuda para hindi lumabas sa tahanan at maghanapbuhay para sa kanilang pamilya na maaaring maging dahilan ng pagkahawa at pagkalat nila ng COVID-19.