Pamangkin nairita sa ‘home quarantine’
CAVITE, Philippines — Tinadtad ng saksak ng isang 18-anyos na binata gamit ang screwdriver ang kanyang tiyuhin matapos ang ginawang panenermon sa kanya upang magpirmi sa bahay dahil sa ipinatutupad na home quarantine at curfew sa COVID-19 kamakalawa ng gabi sa Brgy. Zapote V, Bacoor City.
Tadtad ng saksak ng screwdriver sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Romyr Raves, 27-anyos, pedicab driver na hindi na umabot nang buhay sa pagamutan habang arestado ng pulisya ang suspek na si Alexander Chan; kapwa residente ng Sitio Kanluran Longos, Brgy. Zapote V, Bacoor City.
Sa imbestigasyon ni Pat. Jerome Asid, alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente, nagtalo umano ang magtiyuhin hinggil sa mga maling gawain ng suspek at palagian nitong pagtambay kasama ang barkada.Pinagsabihan ng biktima ang pamangkin na may curfew at home quarantine sa kanilang lugar kaya bawal munang maglalabas. Gayunman, ikinagalit umano ito ng suspek hanggang sa kumuha ng screwdriver at sinugod ng mga saksak ang tiyuhin.