MANILA, Philippines — Muling ipinaalala ni Cabinet Secretary at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases spokesperson Karlo Nograles sa mga local government units na bawal ang paggamit ng mga tricycle para isakay ang mga health workers habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang Luzon.
Sinabi ni Nograles na masyadong maliit ang tricyle at hindi masusunod ang social distancing o isang metrong pagitan ng driver at pasahero. Maaaring gamitin ng mga LGUs ang ibang uri ng sasakyan katulad ng jeep o multi-cabs.
Layunin ng pinaigting na community quarantine na mapanatili sa loob ng kanilang mga tahanan ang mga mamamayan upang mapigil ang pagtaas ng bilang ng mga may COVID-19.
Nilinaw din ni Nograles na hindi nila layunin na pahirapan ang mga mamamayan sa pagbabawal sa paggamit ng tricyle kundi para mabigyan ng proteksiyon ang mga mamamayan.