Galaan at gimik bawal na!
Curfew inilatag sa Metro Manila
MANILA, Philippines — Ipapatupad na simula ngayong Linggo (Marso 15) ang siyam na oras na curfew sa buong Metro Manila kaugnay ng hakbang ng pamahalaan na mapigilan ang pagkalat ng sakit na novel coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa naturang curfew, ipinagbabawal ang mga galaan at iba’t ibang gimik na hindi kailangan at ipapasara ang mga nightclub, bars, ibang entertainment shop at shopping malls na bilihan ng mga damit at ibang bagay na hindi gaanong mahalaga.
Ang pagpapataw ng curfew ay napagkasunduan sa isang emergency meeting ng Metro Manila Council na binubuo ng mga alkalde sa kalakhang Maynila. Ang desisyon ay ipinahayag ng Metro Manila Development Authority sa isang pulong-balitaan kahapon ng umaga.
Sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na ang resolusyon na ipatupad ang curfew mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw simula Marso 15 hanggang Abril 14, 2020 ay ‘unanimously passed’ ng 17 alkalde ng National Capital Region (NCR).
Nangangahulugan na hindi na papayagang makagala pa ang sinumang nasa loob ng Metro Manila sa mga oras na nabanggit bagama’t may exemptions sa essential travel o mahalagang dahilan sa paglabas ng bahay tulad ng mga maysakit na kailangang magpagamot, bibili ng pagkain, mga workers, health at medical personnel.
Sa ikalawang resolusyon, hihilingin din ng local government units (LGUs) ang temporary closure ng mga gimikan tulad ng bars at iba pang entertainment shops, malls na bilihan ng mga damit at goods na hindi naman importante habang ang maari lamang na dapat magbukas ay ang mga groceries/supermarkets, restaurants with home deliveries, drugstore/pharmacies, clinic at iba pang nagbibigay ng serbisyong medikal at bank services.
- Latest