MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ni Trade Secretary Ramon Lopez na walang dahilan para mag-panic buying ang nasa 13 milyong mamamayan sa Metro Manila dahil hindi mapuputol ang suplay ng pagkain at mga pangunahing pangangailangan kahit pa nasa ilalim ng quarantine ang buong Metro Manila.
Tiniyak din ni Lopez na bukas ang mga bangko, tanggapan, at mga factories bagaman ay hinihikayat nila na magkaroon ng flexible work arrangement lalo na sa mga tanggapan.
Mayroon naman aniyang teknolohiya kaya maaaring magtrabaho ang isang empleyado kahit sa loob ng tahanan upang maiwasan ang paglabas.
Bukod sa mga bangko, hindi rin matitigil ang operasyon ng stock market.
Papayagan ding pumasok sa Metro Manila ang mga sasakyan na may dalang cargo at puwede silang makalabas kung makakapagpakita ng delivery receipt.
Tiniyak din ni Lopez na hindi tataas ang presyo ng mga bilihin sa susunod na 60 araw matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang public health emergency.