MANILA, Philippines — Hindi na makakapasok sa Metro Manila, simula Lunes ang mga empleyadong nakatira sa lalawigan kung hindi ito makakapagpakita ng ID.
Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na pag-uusapan sa meeting ng Inter-Agency Task Force ang tungkol sa mga empleyado sa NCR na naninirahan sa mga kalapit na probinsiya upang makapagpalabas ng malinaw na polisiya.
“Marami po talaga mga nakatira outside Metro Manila at everyday nagko-commute sila, so magpakita lang ho ng ID. Iyong mga kumpanya, we would require them to issue IDs to their employees, lalo na those living outside Metro Manila, or show proof of employment,” sabi ni Nograles.
Ito rin ang sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez, dapat may maipakitang company ID ang mga empleyado bilang katibayan na sa Metro Manila sila nagta-trabaho.
Maaari rin aniyang magpakita ng “proof of employment” ang mga maaapektuhang empleyado.
Layunin ng community quarantine na magsisimulang ipatupad sa Marso 15 na limitahan ang galaw ng mga taong naninirahan sa Metro Manila upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19.
Pinayuhan kahapon ni Lopez ang mga kumpanya na hikayatin ang kanilang mga empleyado na naninirahan sa mga probinsiya na mangupahan muna sa loob ng Metro Manila.
Ayon kay Lopez, layunin ng community quarantine na limitahan ang pagpasok at paglabas ng mga tao sa Metro Manila para hindi kumalat ang COVID-19.