Kapag tumama ang intensity 8 lindol-Phivolcs...
MANILA, Philippines — Kung sakaling tumama ang intensity 8 lindol sa Metro Manila ay marami umanong imprastruktura sa Metro Manila ang posibleng gumuho at masira.
Ito ang inihayag ni Phivolcs Director at DOST Undersecretary Renato Solidum sa Meet the Press forum ng National Press Club (NPC).
Mahalaga,anya ang tulong ng lokal na pamahalaan sakaling magkaroon ng sakuna dahil sila ang mas nakakaalam sa kalagayan ng mga residenteng maaapektuhan.
Sakaling tumama ang intensity 8, ilang gusali sa Maynila ang maaapektuhan ng liquefaction o paglubog, tsunami at pagbaha.
Mainam din aniyang huwag munang magtayo ng anumang istraktura sa lugar na mataas ang panganib tulad na lamang ng mga bulkan na aktibo o maaaring sumabog anumang oras.
Idinagdag pa nito ang nangyayaring aktibidad sa Mayon at Taal na pinakaaktibong bulkan sa bansa ay depende sa rami ng magma na nasa loob.
Pinayuhan din ni Solidum ang mga residente na habang may nangyayaring aktibidad sa mga bulkan ay huwag munang bumalik ang mga residente doon upang masiguro ang kanilang kaligtasan.