La Trinidad Benguet gawing lungsod
MANILA, Philippines — “Gawing lungsod o city ang munisipalidad ng La Trinidad Benguet”.
Ito ang nais ni ACT-CIS PartyList Representative Eric Yap nang inihain nito sa Kongreso ang House Bill (HB) No. 6366 na naglalayong ma-convert bilang component city, ang mga capital town ng mga lalawigan na walang component city sa kanilang territorial jurisdiction, gayundin ang HB No. 6367 na naglalayon namang i-convert ang munisipalidad ng La Trinidad bilang isang component city at kilalanin ito bilang City of La Trinidad.
Ayon naman sa legislative caretaker ng lalawigan, ang mga mamamayan pa rin ng Benguet ang mayroong pinal na salita hinggil sa cityhood ng La Trinidad.
“Siyempre, nasa ating mga kababayan sa Benguet pa rin ang desisyon kung gusto talaga nila maging lungsod ang La Trinidad. Meron pa rin naman tayong plebesito. Ating isinumite lang ang dalawang panukalang ito para bigyan sila ng pagpipilian, bigyan sila ng boses,” paliwanag ni Yap.
Anya, kung tuluyang maisusulong, ang naturang conversion ay magreresulta sa pagkakaroon ng ‘full economic potential’ ng munisipalidad ng La Trinidad, dahil magiging daan ito para sa higit pang pag-unlad at karagdagang serbisyo para sa kanilang lumalaking populasyon.
“Gusto natin makilala ang La Trinidad bilang La Trinidad City, at hindi lang bilang “katabi ng Baguio City,” wika ni Yap.
- Latest