MANILA, Philippines — Isang Chinese ang nasagip ng mga operatiba ng PNP Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa isang rescue operation sa isang hotel sa Parañaque City at naaresto ang tatlong kidnaper.
Kinilala ni PNP–AKG Luzon Field Office Chief Police Lt. Colonel Villaflor Bannawagan ang nasagip na si Li Zihong, 20.
Habang naaresto ang tatlong suspect na sina Huang Ya Jian, 29; Liang Bin, 33 at Li Wei, 38.
Sa ulat, bago nasagip ang biktima, ala-1:45 ng madaling araw sa isa sa mga silid sa Okada Resort and Casino sa lungsod ay nakatanggap ang PNP-AKG ng tawag sa telepono mula sa Operation Manager ng Okada Hotel hinggil sa insidente ng kidnapping sa nasabing hotel.
Sa salaysay ng kaibigan ng biktima na si Feilong Hu, na pinigil ito ng mga suspect sa Room 965 kung saan ay humihingi ng P1-M ransom kapalit ng kalayaan ng bihag.
Nang katukin ng mga operatiba ang kuwarto ng biktima ay walang sumasagot at dito’y nakipagtulungan ang mga empleyado sa hotel para mabuksan ang pinto at nakita ang apat na Chinese sa receiving area at dito na itinuro ng biktima ang mga suspect na kumidnap sa kaniya.
Sa salaysay ng biktima, naglalaro umano siya ng casino noong Pebrero 21 nang lapitan ng mga suspect at alukin ng P1-M casino chips, nang matalo ang P500,000.00 ay huminto na ang biktima sa paglalaro at isinoli ang kalahati sa kaniyang hiniram.
Ang biktima kasama ang kaibigan nitong si Feilong Hu ay dinala ng mga suspect sa Long Man VIP room para bayaran ang balanse kung saan ay Y71,428.00 lamang ang naibigay sa mga suspect.
Sa kabila ng nabayaran na ang nautang na pera ay sinundan ng mga suspect ang biktima sa Room 965 na tinutuluyan nito sa nasabing hotel kung saan ito pinigil, tinakot na papatayin at pilit na hinihingan ng ransom kaya napilitan si Hu na humingi ng tulong sa PNP-AKG na nagresulta sa pagkakasagip sa bihag.