MANILA, Philippines — Isang taon pa ang hihintayin ng taumbayan sa serbisyong iniaalok ng third telco player Dito Telecommunity Corporation.
Ayon sa Dito, hindi nila kakayaning mag-umpisa ng serbisyo sa Hulyo ngayong taon kaya nila iniurong ang tinawag na commercial rollout sa Marso 2021.
Bagama’t naipangako ng administrasyong Duterte na maganda, mabilis at murang serbisyo ng 3rd telco ngayong Hulyo 2020 ay sinabi ng Dito sa isang pulong balitaan na nakasaad sa kanilang Certificate of Public Convenience and Necessity na sa Marso 2021 pa talaga ang umpisa ng kanilang pagbukas ng serbisyo sa publiko.
Ang sinasabi umano ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na Hulyo 2020 na commercial rollout ay sadyang inilaan lamang sa tinatawag na ‘technical launch’ at hindi pa ang pormal na pagbukas ng telco services sa public subscribers.
Sinabi ni Dito chief administrative officer Adel Tamano, sa panahon ng tinatawag na technical launch ay bubusisiin ng NTC ang pagsunod nito sa kanilang pangako na seserbisyuhan ang 37% ng populasyon ng bansa na may 27 megabits per second (mbps).
Nangangahulugan na susuriin ng gobyerno kung handa na ang network ng Dito kung saan mayroon na itong 1,600 towers pagsapit ng Hulyo ngayong taon.
Bubusisiin din ng technical launch ang katatagan ng network, gayundin ang kalidad ng customer service support.
Pinawi rin ng opisyales ng Dito ang agam-agam na kulang sa pananalapi ang nasabing 3rd telco kung kaya nabibimbin ang mabilis na pag-usad ng mga gawain sa paglunsad ng tinawag na telecommunication infrastructures tulad ng cell towers.