3 NPA rebels patay sa encounter

Ang dalawang napatay na NPA lider ay kinila­lang sina alyas Ka Bobby, squad leader at Ka Princess, me­dical officer habang ina­alam pa ang pagkakakilanlan ng isa pang kasama.
AFP

MANILA, Philippines — Napatay ang tatlong teroristang New People’s Army (NPA) kabilang ang dalawang lider habang tatlong menor de edad na recruits ang nasagip matapos makaengkuwentro ang mga sundalo sa Brgy. Rang-ayan, Ilagan City, Isabela kamakalawa.

Ang dalawang napatay na NPA lider ay kinila­lang sina alyas Ka Bobby, squad leader at Ka Princess, me­dical officer habang ina­alam pa ang pagkakakilanlan ng isa pang kasama.

Ang nasagip na mga menor de edad na rebelde ay tinukoy sa alyas na Jimboy, isang katutubong Aeta at dalawang iba pa na kabilang sa 8 kabataang na-recruit ng komunistang grupo may 3 buwan na ang nakalilipas.

Sa ulat, na natanggap ni Major Noriel Tayaban, bandang alas-12:00 ng tanghali nang mangyari ang bakbakan sa pagitan ng mga elemento ng Army’s 502nd Infantry Brigade (IB) at ng Army’s 95th Infanty Battalion at nasa 50 rebelde mula sa Central Front at Regional Sentro De-Grabidad (RSDG) ng Komiteng Rehiyong-Cagayan Valley (KR-CV).

Bago ang bakbakan ay nagsuplong ang mga residente sa tropa ng pamahalaan na nagsasagawa ng Community Support Program (CSP) sa lugar na agad nagresponde at natiyempuhan ang mga rebelde na nangongotong at nananakot sa mga sibil­yan.

Sa halip na magsisuko ay pinutukan ng mga rebelde ang tropa ng pamahalaan na nauwi sa 15 minutong bakbakan kung saan ay napatay ang tatlong rebelde habang wala namang nasuga­tan sa tropa ng mga sundalo.

Show comments