MANILA, Philippines — Makaraan ang halos isang taon, bumagsak din sa kamay ng mga otoridad ang dalawang lalaki na itinuturong kasabwat ng isang grupo ng Chinese nationals sa pagkidnap at paghingi ng ransom sa tatlong kapwa Tsino sa ikinasang magkahiwalay na operasyon ng mga tauhan ng Las Piñas City Police, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga inaresto na sina Lolito Angeles, 41, ng San Roque, Nueva Ecija at Marvin Villas, 39, residente ng San Antonio, ng parehong lalawigan.
Sa ulat ng pulisya, alas-2:30 ng hapon nang unang madakip si Angeles sa tapat ng isang department stores sa Brgy. Pamplona 3, Las Piñas City. Hindi na siya nakapalag nang ihain sa kanya ang warrant of arrest buhat kay Las Piñas City Regional Trial Court Branch 202 Judge Eizabeth Yu-Guray.
Samantalang si Villas ay nadakip naman ng alas-4:00 ng hapon sa Verdant Acres Avenue, ng nabanggit na barangay sa bisa rin ng warrant of arrest na inisyu rin ni Judge Yu-Guray.
Ang dalawa ay inaresto kaugnay ng partisipasyon nila sa naganap na pagdukot sa tatlong Chinese nationals noong Mayo 2019 sa Las Piñas City ng isang grupo rin ng mga Tsino na nanghingi ng P200,000 ransom. Nadakip sina Angeles at Villas kasama ang pitong Chinese nationals sa ikinasang entrapment operation sa Makati City.
Ngunit ikinatwiran nina Angeles at Villas na mga tsuper lamang sila at hindi nila alam na nandukot ang kanilang mga isinakay na mga Tsino kaya pansamantala silang napakawalan.
Nakasama rin naman ang dalawa sa kasong Kidnap for Ransom na isinampa dahilan para magpalabas ng warrant of arrest ang korte laban sa kanila.