MANILA, Philippines — Nasagip ang nasa 44 kababaihan habang tatlong sinasabing ‘bugaw’ ang inaresto sa isinagawang pagsalakay ng mga otoridad sa tatlong hinihinalang prostitution den sa Makati City at bayan ng Pateros mula kamakalawa ng gabi hanggang kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Makati City Police, unang sinalakay ang Pentagon Spa sa may Belarmino Street, Brgy. Bangkal dakong alas-11:15 ng gabi nang magpositibo sa kanilang casing operation ang bentahan ng aliw.
Inaresto sa operasyon ang itinuturong maintainer at ‘bugaw’ na si Jeniffer De Leon, 30-anyos habang nasa 12 babae ang nailigtas ng mga pulis.
Alas-12:15 ng madaling araw nang sunod na salakayin naman ang Edison Cafe sa may Morse St., Brgy. San Isidro, ng naturang lungsod. Isang pulis ang nagpanggap na kustomer at nagbayad ng P3,000 para makipagtalik sa isa sa mga babae sa lugar.
Inaresto ng mga pulis ang mga bugaw na nakipagtransaksyon sa kustomer na pulis na sina Rafael Rosales, 42, at Rodolfo Rosales, 38, habang nasa 24 na babae ang nailigtas sa lugar.
Dakong alas-4:30 nang salakayin naman ng mga tauhan ng Pateros Municipal Police ang Singkita KTV Bar sa may E. Almeda St. Brgy. San Roque. Ito ay matapos na isang pulis ang nagawang makipagtalik sa loob ng naturang bar kapalit ng bayad na P2,000. Inimbitahan sa presinto ang walong babae at katiwala sa bar na si Mark Desudido, 35.