MANILA, Philippines — Tig-anim na taon at isang buwan hanggang walong taon sa bawat kaso na pagkakulong ang inilabas na hatol ng Sandiganbayan laban kina dating MRT General Manager Al Vitangcol at uncle-in-law nito na si Arturo Soriano.
Base sa 44-pahinang desisyon ng 3rd Division ng Sandiganbayan napatunayang guilty beyond reasonable doubt sina Vitangcol at Soriano sa kasong paglabag sa RA 3019 o ang sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at RA 9184 o ang Government Procurement Act.
Ang dalawa ay pinagbawalan na rin humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.
Samantala, pinawalang- sala naman ang dalawa sa isa pang kaso ng paglabag sa anti-graft law.
Ang kaso ay kaugnay sa maanomalyang maintenance contract na inaward ng MRT-3 sa PH Trams kung saan si Soriano ay isang executive officer at hindi ito sinabi ni Vitangcol na ito ay kanyang uncle-in-law.