nCoV patient sa Pinas patay
Pinakauna sa labas ng China...
MANILA, Philippines — Naitala sa Pilipinas ang unang pagkamatay ng isang pasyenteng may novel coronavirus sa labas ng China.
Ito ang inihayag kahapon ng kinatawan ng World Health Organization (WHO) sa bansa na si Dr. Rabindra Abeyasinghe, kasabay ng pagpapalawig ng travel ban sa mga biyaherong galing China.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nabatid na isang 44-anyos na lalaking Chinese, ang pangalawang kumpirmadong kaso ng 2019 Novel Coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD) sa Pilipinas, ang pumanaw noong Sabado.
Sinabi pa ni Duque, na-admit sa isang government hospital sa Maynila ang dalawang pasyente noong Enero 25 matapos makaranas ng pulmonya, lagnat, ubo, at pamamaga ng lalamunan ang lalaki.
Nabatid na magkasama ang 44-anyos na lalaking Chinese at 38-anyos na babaeng Chinese na unang naitala na kaso ng coronavirus sa bansa na kapwa galing ng Wuhan City sa China na siyang epicenter ng virus at dumating sa bansa noong Enero 21.
Nagpa-check up aniya ang dayuhan sa ospital matapos makaranas ng ubo, lagnat, sore throat hanggang sa nauwi na sa severe pneumonia.
“In his last few days, the patient was stable and showed signs of improvement. However, the condition of the patient deteriorated within the last 24 hours, resulting in his demise,” dagdag ng kalihim.
Asymptomatic naman ang babaeng pasyente o wala nang pinapakitang sintomas ng virus.
- Latest