778 Chinese na sakay ng 2 barko dumaong sa Maynila
Mga opisyal ng pamahalaan, naalarma...
MANILA, Philippines — Dahil sa matinding pangamba sa Wuhan virus ay naalarma ang mga opisyal ng pamahalaan nang dumaong sa Pier 15, South Harbor, Port Area, Maynila ang dalawang barko na galing China at Hong Kong na may sakay na 700 Chinese.
Sa ulat na nakarating sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang barko na MV Ligulao at World Dream Cruise Ship ay dumaong sa Pier 15, South Harbor sa Port Area, Maynila.
Nabatid na ang cruise ship na may lulang 778 pasahero ay dumaong sa Pier 15 galing Hong Kong nitong Martes ng umaga habang ang Ligulao, isang cargo vessel galing naman sa Liangyungang, Jiangsu, China ay may 900 kilometro lamang ang layo sa Wuhan, China.
Ang coronavirus ay nagmula sa Wuhan, China na nasa ilalim naman ng lock down upang hindi na makapaminsala at kumalat pa ang nasabing virus.
Sinabi ni PCG Spokesman Commander Armand Balilo, ang mga sakay ng nasabing barko ay ligtas sa nakamamatay na coronavirus base sa pahayag ng Bureau of Quarantine.
Ang nasabing cruise ship ay dapat patungong Subic, Zambales dakong alas-9:00 ng gabi nitong Martes, pero kinansela ang pagbiyahe at sa halip ay babalik na lang sa Hong Kong.
Ang nasabing cruise ship ay magsasakay pa sana ng 4,000 turista bago maglayag patungo sa bansa pero hindi na ito natuloy.
Habang wala namang shore pass ang 20 crewmen ng M/V Ligulao at hindi pinayagan ang mga ito na lumabas ng kanilang barko.
- Latest