MANILA, Philippines — Matapos makapaglagak ng piyansa, pansamantalang nakalaya na ang fliptop rapper na si Loonie na nasakote ng mga otoridad sa isang buy-bust operation at nakumpiskahan ng ‘high grade marijuana’ noong nakaraang taon.
Sa 10-pahinang kautusan ni Judge Elmo Alameda ng Makati RTC Branch 150 nitong Enero 23, pinayagang makapagpiyansa ng P2-milyon ang akusadong si Marlon Penoramas, alyas “Loonie”, habang dinidinig ang kaso niyang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakalabas ng Makati City Jail si Loonie dakong alas-6:50 kamakalawa ng gabi matapos na matanggap ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang desisyon ng korte at nang makapagsampa ng kaukulang piyansa ang akusado.
Bukod kay Loonie, nakalaya rin ang mga kapwa niya akusado na sina Idyll Liza Penoramas at David Rizon na naglagak naman ng P2-milyon at P.5 milyong halagang piyansa, ayon sa pagkakasunod.
Sa social media post ng kampo ni Loonie sa kanyang Facebook account, tatlong rason umano ang dahilan para mapagbigyan ang hiling nilang piyansa.
Sa rekord, inaresto ang tatlo ng mga tauhan ng Makati City Police-Station Drug Enforcement Unit sa ikinasang buy-bust operation sa parking area ng isang hotel sa may Polaris St. sa Brgy. Poblacion, ng naturang lungsod. Tinatayang nasa 15 sachet ng ‘kush’ o high-grade marijuana ang umano’y nakumpiska sa grupo ni Loonie.
Sumikat si Loonie bilang host ng mga ‘fliptop rap battles’ at isa ring recording artist.