Bulkang Taal nasa alert level 4 pa rin
MANILA, Philippines — Nananatiling nasa alert level 4 status ang bulkang Taal sa Batangas.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ito ay nangangahulugan na maaari pa ring magkaroon ng matinding pagsabog ang naturang bulkan anumang oras mula ngayon.
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala naman ang bulkan ng steady steam emission at infrequent weak explosions na nagdulot ng puti hanggang sa kulay abo na ash plumes na may 50 hanggang 600 meters ang taas at nalusaw sa may timog kanluran ng Main Crater ng bulkan.
Nagluluwa naman ang bulkan ng asupre na may average na 360 tonelada kada araw.
Nakapagtala naman ang bulkan ng 876 volcanic earthquakes kabilang na ang 6 na tremor events at 20 low-frequency earthquakes.
Ayon sa Phivolcs, ang matinding seismic activity na naitatala sa bulkan ay nagpapakita lamang na may patuloy na magmatic intrusion sa ilalim ng bulkan na maaaring pagmulan ng matinding pagsabog.
Patuloy namang ipinagbabawal ang pagpasok ng sinuman sa loob ng 14 kilometro permanent danger zone sa paligid ng bulkan upang maingatan ang kapakanan ng mamamayan doon.
- Latest