Matinding pagsabog ng Bulkang Taal, posible pa!
Sa mga naitalang steam emission - Phivolcs
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum na posible pang mangyari ang pinangangambahang malakas na pagsabog ng Bulkang Taal.
Ito ay dahil sa naitalang steam emission at mahihinang pagsabog na naobserbahan sa bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Ayon sa Phivolcs, naglabas ng dark gray ash plumes na may taas na 100 hanggang 800 metro mula sa bunganga ng bulkan at ang mga bitak na lupa sa mga bayan sa palibot ng bulkan ay mas lumaki pa lalo na sa bayan ng Lemery, Agoncillo, Talisay, at San Nicolas sa Batangas ay lumawak ng ilang sentimetro.
Nakapagtala naman ng 65 volcanic earthquakes sa palibot ng bulkan hanggang kahapon ng umaga o may kabuuang 634 volcanic earthquakes mula nang sumabog ang bulkan noong linggo.
Idinagdag pa ng Phivolcs, ang mga naitatalang aktibidad sa bulkan ay nagpapakita ng patuloy na magmatic intrusion sa ilalim ng bulkan na maaaring magdulot ng pagsabog.
Nananatiling nasa alert Level 4 status ang bulkan at patuloy na ipinagbabawal ang pagpasok ng sinuman sa loob ng 14-kilometer radius mula sa bunganga ng bulkang Taal.
- Latest