MANILA, Philippines — Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nagkaroon ng dalawang sunod na maigsing pagputok ang Bulkang Taal kahapon ng alas 6:17 ng umaga at alas-6:21 ng umaga.
Ang maigsing pagputok ng bulkang Taal ay kinakitaan ng pagluwa ng kulay dark gray na abo mula sa bunganga ng bulkan na may taas na 500 meters at 800 meters patungong kanluran mula sa crater ng bulkan.
Mayroon ding mahinang paglabas ng steam-laden plumes sa bulkan na umaabot sa 700 meters ng taas patimog kanluran.
Ayon pa sa Phivolcs na may kabuuang 566 volcanic earthquakes na ang naitala na ang 172 dito ay naramdaman at umaabot naman sa 4186 tonelada ng asupre ang nailuluwa ng bulkan kada araw.
Kaya’t ang paghina ng mga aktibidad ng bulkan ay hindi dapat isantabi dahil may posibilidad itong nag-iipon ng lakas sa loob na maaaring pagmulan ng posibleng pagkakaroon ng mas malakas na pagsabog.
Patuloy na ipinaiiral ng Phivolcs ang alert level 4 sa buong Taal Volcano at nangangahulugang walang sinuman ang papayagan na pumasok sa 14 kilometro danger zone sa paligid ng bulkan dahil sa nakaambang mas matinding pagsabog ng bulkan.