Pag-aalboroto ng Bulkang Taal matatagalan
MANILA, Philippines — Maaari umanong tumagal ng ilang buwan ang pag-aalboroto ng bulkang Taal.
Ito ang inihayag kahapon ni Senator Francis Tolentino at wala umanong scientific data na maaaring tumukoy kung kailan titigil ang pag-aalboroto batay sa pahayag ng ilang opisyal ng Philippine Institute on Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na kanyang nakausap.
Sinabi ni Tolentino, na sa ngayon ay nakataas pa rin ang alert level 4 at umaasang hindi na ito aabot sa level 5 dahil masyado na aniyang maaapektuhan ang ekonomiya at mga mamamayan ng apektadong lugar na walang kuryente at tubig.
Marami rin aniyang mga residente ang lumikas ng kanilang mga bahay na walang nadalang gamit dahil sa bilis ng mga pangyayari tulad lamang sa Tagaytay City na kung saan ay mayroon ng 20,000 evacuees.
Hindi pa rin nito tiyak kung ilan talaga ang eksaktong bilang ng mga nagsilikas sa Tagaytay City na dati niyang pinamunuan bilang alkalde dahil may mga nagtungo sa kanilang mga kamag-anak sa Maynila, at ibang mga karatig lalawigan.
Niliwanag ni Renato Solidum ng Phivolcs, na sa ngayon ay mabilis ang pag-akyat ng magma, akyat baba ang carbon dioxide at tuluy-tuloy ang aktibidad sa ilalim ng bulkan kaya’t wala na dapat pang natitirang mga tao sa mga bayan na nasa paligid ng bulkang Taal, nasa loob ng 14 kilometers danger zone at sa Taal island dahil sa anumang araw ay maaaring magkaroon ng pagsabog ang bulkan.
Anya, hindi maitataas sa alert level 5 ang bulkan hangga’t walang nagaganap na mapanganib na pagsabog dito.
Maaari anyang may nagaganap sa loob ng bulkan kaya dapat maging mapagmasid ang lahat para sa inaasahang pagbabago ng kundisyon ng bulkan sa mga darating na araw.
- Latest