Pag-alboroto ng Bulkang Taal walang katiyakan kung kelan matatapos
MANILA, Philippines — Nagpapatuloy pa rin ang pag-aalboroto ng bulkang Taal at isang strombolian fountain ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na namataan sa main crater ng bulkan pasado alas-3:20 ng madaling araw. Ang strombolian fountain ay ang paglalabas ng lava at maiinit na bato ng isang bulkan.
Ayon sa Phivolcs hindi pa nila tiyak kung hanggang kelan tatagal ang pag-aalboroto ng Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas.
Sinabi ni Mariton Bornas, hepe ng Volcanic Monitoring and Eruption Prediction ng Phivolcs, hindi pa niya matiyak kung may tatlong araw, buwan o taon ang itatagal ng pag-aalboroto ng bulkan dahil hirap sila ngayon na makita ang tunay na kaganapan sa loob ng bulkan dahil sa nasira ang kanilang mga instrumento dahil sa makakapal na putik na tumabon sa kanilang gamit.
Nabatid na sa gilid ng bulkan naganap ang pagsabog at isang preatum magmatic eruption ang nangyari sa bulkan na nagkaroon na ng lava fountain.
Hindi pa umano nila matiyak kung ang pag-aalboroto ng bulkan ay matutulad sa nangyari noong Enero 27,1911 hanggang Enero 30, 1911 o tatlong araw na eruption at maaari rin umanong umabot ng 7 buwan na tulad ng naganap sa Taal volcano explosion noong 1754.
Mayroon din anyang naganap na pagsabog noong 1965 na tumagal hanggang 1977 na tinatawag na magmatic eruption.
Idinagdag pa ni Bornas na posibleng magkaroon ng volcanic tsunami sa Taal kapag nagkaroon ng explosion sa floor lake at magkakaroon ng ground deformation o pag-alsa ng lupa na sisipa sa tubig.
Sa ngayon ay nasa alert level 4 ang status sa Taal volcano na nagpapahiwatig ng isang malawakang evacuation dahilan sa posibleng magkaroon ng mas matinding explosive eruption anumang oras kung tataas ang volcanic dash.
Maituturing na isang atomic bomb explosion ang naganap sa Bulkang Taal hinggil sa hitsura niya ngayon. Mas mataas anya ang pagluwa ng asupre ng bulkan at may nagaganap na paglindol sa paligid ng bulkan
Maaari rin anyang ilagay sa alert level 5 ang bulkan kung sakaling magkaroon ng highly hazardous explosion ang bulkan.
- Latest