90 ‘bugok’ na parak tanggal sa puwesto
MANILA, Philippines — Nasa 90 miyembro ng Philippine National Police kabilang ang ilang police colonel ang na-dismiss sa serbisyo sa loob ng nakalipas na dalawang buwan dahil sa mga kinasangkutang iligal na gawain kaugnay ng pinaigting na internal cleansing ng Pambansang Pulisya.
Ayon kay PNP Officer-in-Charge (OIC) Lt. Gen. Archie Gamboa, nilagdaan na niya ang dismissal order ng nasabing mga parak.
Sinabi ni Gamboa na ang hakbang ay bilang pagpapataw ng kaparusahan sa mga pulis na nasasangkot sa katiwalian.
Sa katunayan, ayon kay Gamboa kabilang sa mga nilagdaan niya ay ang dismissal order ng ilang mga police colonel bilang patunay na walang pinapaboran ang internal cleansing ng PNP.
Aminado naman ang heneral na isang malaking hamon sa PNP kung paano maibabalik ang tiwala ng publiko.
Samantalang binigyang-diin pa ni Gamboa na walang puwang sa PNP ang mga bugok na itlog na nagsisilbing batik sa imahe ng organisasyon.
Sinabi ng heneral na seryoso ang liderato ng PNP sa internal cleansing at kasabay nito ay hinikayat ang publiko na i-report ang mga tiwaling parak gayundin ang mga high value target (HVT) bilang bahagi naman ng pinalakas na anti-drug campaign.
- Latest