MANILA, Philippines — Tatlong araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon, nagbabala kahapon ang Philippine National Police (PNP) sa publiko sa paggamit ng iligal na paputok at pyrotechnic displays.
Ang babala ay inisyu ni PNP Officer-in-Charge Police Lt. Gen. Archie Gamboa matapos nitong inspeksyunin ang mga pabrika, bodega, processing area at maging ang mga stall ng mga pagawaan ng paputok at pyrotechnic displays sa Bocaue, Bulacan nitong Sabado.
“Let me remind the manufacturers and sellers to strictly follow not to sell firecracker and pyrotechnic display to minors or those below 18 years of age’, babala ni Gamboa.
Kaugnay nito, inatasan naman ni Gamboa ang mga pulis na ipagpatuloy ang pag-iinspeksyon sa mga manufacturing complex, warehouse, at processing area ng mga manufacturers at mga dealers sa mga lugar na kanilang nasasakupan upang maiwasan ang panganib.
Binigyang diin ni Gamboa na mahigpit na ipatutupad ng PNP ang Executive Order No. 28 ni President Rodrigo Duterte sa lahat ng mga manufacturers at maging ang mga nagbebenta ng iligal na paputok, pyrotechnic display at iba pa.
Samantalang sinumang lalabag dito ay mahaharap sa pagkakakulong ng anim na buwan hanggang isang taon habang ang piyansa ay aabot naman sa P20,000.00 hanggang P30,000.00, pagkakakansela ng business permit at kukumpiskahin din ang paninda ng mga ito.