Istasyon inabandona… 5 pulis umattend ng ChristmaS party, sibak

Kinilala ang mga sinibak na sina PCapt. Norheda Usman, Platoon Leader at ang mga tauhan nito na sina PMSgt. Siegfried Dizon, PSSgt. Benjamin Villasis Jr., Pat. Ronald Manzanade Jr, at Patw. Imee Sheryl Florentino.
STAR/Edd Gumban

MANILA, Philippines — Dahil sa pagdalo sa isang Christmas party, limang pulis kabilang ang platoon leader ang sinibak sa puwesto ni Bulacan Police Provincial Office (PPO) acting director PCol. Emma Libunao makaraang mag-inspeksyon at abutang walang naka-duty ni isang pulis ang Bulacan PPO-1stPPMFC-3rd Maneuver Platoon na nakabase sa Barangay Turo, Bocaue, Bulacan, nitong Biyernes ng umaga.

Kinilala ang mga sinibak na sina PCapt. Norheda Usman, Platoon Leader at ang mga tauhan nito na sina PMSgt. Siegfried Dizon, PSSgt. Benjamin Villasis Jr., Pat. Ronald Manzanade Jr, at Patw. Imee Sheryl Florentino. Ayon kay Col. Libunao, dahilan ng pagkakasibak sa puwesto ni Usman at mga tauhan nito ay ‘abandonment of post’ kung saan sa isinagawang inspeksyon sa kanilang tanggapan ay nadatnang walang pulis na naka-duty rito.

Nabatid na ilang araw pa lang ang nakalipas bago ang inspeksyon noong Biyernes ay una nang nagsagawa ng pagbisita sa tanggapan ni Usman ang mga personnel ng Provincial Internal Affairs Service (PIAS) kung saan wala rin umanong inabutan na pulis kaya’t pinagpaliwanag ito sa tanggapan ng PIAS sa Malolos.

Sinasabing umattend umano ang mga tinanggal na pulis ng Christmas party kaya walang tao sa naturang tanggapan.

Sinabi ni Libunao na dapat umanong mayroong pulis sa tanggapan ng 3rd Maneuver Platoon lalo na at kasagsagan ngayon ng bentahan ng paputok dahil sa pagha­handa sa pagpalit ng taon.

Pinalitan ni PLt. Col. Anthony Manglo si Usman na nasa floating status sa 1stPPMFC sa Bulacan PPO.

Show comments