MANILA, Philippines — Iniulat na nawawala ang 4 na boat operators sa Santa Fe, Bantayan Island sa paghagupit ng bagyong Ursula sa hilagang Cebu kahapon.
Kasalukuyan namang nakikipagkoordinasyon ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa lokal na Disaster Risk Reduction Management Office sa Santa Fe upang alamin ang sinapit ng nawawalang mga boatmen.
Samantala, nakabalik na ang isang mangingisda na una nang napaulat na nawawala sa Daanbantayan, Cebu.
Ang Bantayan Island at Daanbantayan ay kapwa nasa ilalim ng Signal No. 3 sa pagbayo ng bagyong Ursula ngayong Pasko.
Naitala naman sa 8,800 pamilya o kabuuang 44,000 katao ang inilikas sa mga evacuation centers sa Daanbantayan dahilan sa banta ng storm surge dulot ng malalakas na pag-ulan at hangin sa paghagupit ng bagyo.
Maging ang mga DRRMO personnels ay inilikas sa Municipal Cultural Center matapos matanggal at ilipad ng malakas na hangin ang bubungan ng kanilang tanggapan.