MANILA, Philippines — Tinututukan ng Philippine National Police (PNP) ang dalawampu’t dalawang ninja cops o mga pulis na sangkot sa pagre-recycle ng ilegal na droga.
Ito ang kinumpira kahapon ni PNP Spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac, mula sa dating bilang na 87 tiwaling parak na sangkot sa illegal drug trade ay nasa 22 na lamang ngayong mga aktibo sa serbisyo ang binabantayan ng PNP.
Ibinulgar din ni Banac na Police Major ang pinakamataas na ranggong nasa listahan ng PNP-IMEG sa mga ninja cops at hindi heneral o colonel tulad ng sinabi noon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod sa Police Major, kabilang pa sa 22 pulis na sangkot sa ilegal na droga ay dalawang Lieutenant at 19 Non-Commissioned Officer.
Ang nasabing mga parak ay bukod pa sa 13 ninja cops na una nang natukoy na sangkot sa Pampanga drug raid noong Nobyembre 23, 2016 na napatawan ng parusa sa kasong administratibo at nililitis din sa kasong kriminal.
Sinabi ng opisyal na nakatanggap sila ng report, nagre-recyle at protektor din ng ilegal na droga ang nasabing mga tiwaling parak kaya’t mahigpit nila itong minomonitor.