MANILA, Philippines — Nanindigan ang Palasyo na “onerous” ang kontrata kaya’t walang planong magbayad ang gobyerno ng mahigit P10-bilyon sa dalawang water concessionaires kahit inatasan ito ng Singapore arbitration court.
“Hindi magbabayad, kasi nga onerous ‘yung kontrata eh, masyadong disadvantageous sa gobyerno,” wika ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Inatasan ng Permanent Court of Arbitration sa Singapore ang gobyerno ng Pilipinas na bayaran ang Ayala-owned Manila Water ng P7.39-bilyon dahil sa lugi nito mula June 2015 hanggang November 2019. Habang pinagbabayad din ng korte ang Pilipinas sa Maynilad ng P3.4 billion dahil sa hindi pagpayag na magtaaas ng singil sa tubig mula 2013-2017.
Inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang water companies na ginatasan ng bilyon ang mga customers nito at naniniwala ang Pangulo na onerous ang kontrata na pinasok ng gobyerno noong 1997 kaya inatasan nitong bumalangkas ng bagong kontrata na hindi lugi ang gobyerno.