Pinas nahaharap sa ‘garbage crisis’
MANILA, Philippines — Sinabi kahapon ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na nahaharap na ang Pilipinas sa ‘garbage crisis’ dahil sa napakataas na ‘volume’ nito na nalilikha ng mga Pilipino.
“We are now in the middle of a garbage crisis,” ayon kay Cimatu sa kaniyang talumpati sa Stratbase Group forum ukol sa kalikasan sa Taguig City kahapon.
Sa kanilang datos, ang target na baseline ng basura para sa Metro Manila na 58,000 cubic meters para sa buong 2019 ay nalagpasan na sa unang dalawang quarter pa lamang ng taon.
Sa unang quarter, nakalikha ang mga taga-Metro Manila ng 34,574.77 cubic meters habang sa ikalawang quarter ay pumalo ito sa 32,221.17 cubic meters.
Iginiit ni Cimatu na hindi na epektibo ang mga ‘clean-up drive’ partikular sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
Sinabi niya na naging kultura at pag-uugali na talaga ng mga Pilipino ang walang pakundangan na pagtatapon ng basura. Sa mga nakalipas na clean-up drives, makalipas ang ilang linggo ay muling bumabalik ang mga basura dahil na rin sa pagkakalat ng mga residente na patuloy na walang disiplina sa basura.
Nitong Nobyembre, nabatid na nasa 13,212 establisimiyento sa paligid ng Manila Bay ang ininspeksyon ng DENR. Nasa 107 dito ay binigyan ‘cease-and-desist orders’ dahil sa mga bayolasyon, nasa 2,684 ang inisyuhan ng ‘notice of violation of environment regulations’ habang nasa 1,910 pa ang idadagdag na iisyu.
- Latest