MANILA, Philippines — Nasa 243 katao na ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya kaugnay ng pinaigting na kampanya laban sa paggamit ng vape o electronic cigarettes.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Rodrigo na ipa-ban ang paggamit ng vape at arestuhin ang mga nagpapausok nito sa mga pampublikong lugar.
Ang Central Visayas na nasasaklaw ng Police Regional Office (PRO) 7 ang may pinakamataas na bilang ng mga nasakote sa paggamit ng vape na nasa 195 katao ang nahuli sa kabuuang 280 preparasyon sa lugar.
Aabot naman sa 318 piraso ng vape gadgets at 666 piraso ng vape juices ang nakumpiska ng mga elemento ng pulisya.
Matapos na isailalim ang mga naaresto sa police blotter ay agad rin ang mga itong pinakawalan.
Sa Metro Manila, sa isinagawang simultaneous operations ay nakaaresto ang mga tauhan ni National Capital Region Police (NCRPO) Director Police Brig. Gen. Debold Sinas ng sampung nagpapausok ng vape sa pampublikong lugar.