Quezon City fire: 90 pamilya nawalan ng tahanan
MANILA, Philippines — Umabot sa 90 pamilya ang nawalan ng tahanan makaraang lamunin ng nangangalit na apoy ang nasa 40 bahay sa Brgy. Tatalon, Quezon City nitong Sabado ng tanghali.
Sa ulat ng Quezon City Fire Station, dakong alas-11:39 ng tanghali nang magsimula ang sunog sa kahabaan ng 70 C, Area 5, Purok 2, Victory Ave., Brgy. Tatalon sa lungsod Quezon.
Ayon sa imbestigasyon, ang sunog ay nagmula sa ikalawang palapag ng isang 3 storey na bahay na pag-aari ni Matina Erinco sa nasabing lugar.
Sinabi ni SFO1 Mary Anna Mostacisa, ang sunog ay mabilis na kumalat na tumupok sa kabuuang 40 kabahayan na karamihan ay gawa sa mahihinang uri ng materyales.
Ang sunog ay umabot sa ikalawang alarma bandang alas-12:01 ng tanghali at idineklarang under control matapos na magresponde ang mga bumbero dakong alas-12:46 ng tanghali.
Naapula naman ng mga bumbero ang sunog kung saan sa inisyal na pagtaya ay nasa P150,000.00 ang nilikhang pinsala.
Wala namang naitalang nasugatan at nasawi sa naturang insidente.
- Latest