MANILA, Philippines — Hindi na umano nakayanan ng isang 8-anyos na batang lalaki ang pagiging umbagerong ama kaya’t ito ay kanyang barilin at mapatay, kamakalawa ng gabi sa kanilang bahay sa Brgy. San Jose, Sipalay City, Negros Occidental.
Ang biktima na namatay noon din dahil sa tatlong tama ng bala ng kalibre 38 sa dibdib ay kinilalang si Jessy Obas, 39.
Itinago naman ang bata sa pangalang Jonjon, dahil isa itong menor de edad.
Sa ulat ng pulisya, bago naganap ang krimen bandang alas-8:30 ng gabi sa bahay ng pamilya sa Sitio Manluya, Brgy. San Jose ng lungsod ay umuwing lasing ang biktima sa bahay at agad na tinadyakan sa mukha si Jonjon na isinalya pa sa dingding habang minumura.
Hindi na umano nakapagtimpi si Jonjon kaya’t sa sobrang galit ay kinuha ang nakatagong cal. 38 caliber revolver ng ama at pinaputukan ito sa dibdib ng tatlong beses na nasaksihan ng dalawa nitong menor de edad na kapatid.
Nabatid pa na ang nasabing tatay ang siyang nagtuturo sa bunsong anak kung paano humawak at magpaputok ng baril sa kabila ng pagiging musmos nito.
Ang ina ng mga bata ay nagtatrabaho sa Maynila kung saan naiiwan ang mga ito sa pangangalaga ng kanilang umbagero at lasenggerong ama.
Isinailalim na sa kustodya ng Department of Social Welfare and Development sa lungsod ng Sipalay ang bata.