MANILA, Philippines — Inabisuhan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga Pinoy na nagpaplanong matungo ng Hong Kong na ipagpaliban ang kanilang biyahe bunsod ng patuloy na kilos-protesta na nagaganap dito.
Ayon kay Bello, mayroon silang advisory ng Department of Foreign Affairs sa mga magta-travel na pansamantalang ipagpaliban ang biyahe dahil na rin sa sitwasyon sa Hong Kong.
“’Yung mga pupunta sa Hong Kong, kung hindi naman masyado kailangan ang pagpunta nila doon ay i-postpone muna dahil this is not the best time to go to Hong Kong,” ani Bello.
Gayunman, siniguro naman ni Bello na ligtas ang mga manggagawang Pinoy na kasalukuyang naninilbihan sa naturang bansa.
Dagdag pa ni Bello, bagamat lumalala ang sitwasyon ay wala namang OFWs ang nadadamay. Wala rin umanong humihingi ng repatriation.